CAUAYAN CITY- Nagdududa ang pamilya ng isa sa tatlong napatay sa umanoy engkwentro sa pagitan ng mga pulis sa San Nicolas, Pangasinan.
Kinuwestyun ng pamilya ni Marcelo ‘Mar’ Perico, 46 anyos, negosyante at residente ng District 1, Cauayan City ang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.
Kasama ni Perico na nasawi ay sina Arthuro Galvez ng Ilagan City at isang kinilala lamang sa pangalang Celso na taga Pangasinan.
Sa exklusibong panayam ng bombo radyo Cauayan, naging emosyonal ang bunsong anak ng biktima na si Marian Perico sa pagsasabing masyadong brutal ang ginawang pagpatay sa kanyang ama.
Anya, namamaga ang mukha habang ang kamay at paa ng ama ay nagkadurog-durog at naniniwala ang kanilang pamilya na walang tama ng bala ng baril sa katawan ng ama kundi puro saksak sa katawan ang tinamo.
Sa ngayon ay balak na ipa-autopsy ang bangkay ni Perico at pag uusapan pa kung ilalapit ito sa ibang investigating agency para imbestigahan ang kaso ng biktima na sinasabing hindi namatay sa bala ng baril bagkus ay namatay dahil sa mga saksak sa katawan.