CAUAYAN CITY – Pumice stones na mula sa pumutok na bulkan sa ilalim ng dagat sa Southern Japan at naanod patungo sa mga baybayin ng Batanes ang dahilan ng advisory ng pamahalaang panlalawigan na iwasan muna ng mga tao ang magtungo sa mga apektadong beach.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PDRRM Officer Roldan Esdicul na ang  advisory ng pamahalaang panlalawigan na huwag munang pumunta sa mga apektadong lugar ay dahil delikado kapag naligo sa dagat at puwedeng masinghot ang maliliit na particles na maaaring magdulot ng pangangati ng balat.

Ang ilang beach  lalo na ang nasa eastern side ng isla ay mas makapal pa ang naanod na pumice stones.

Ang shoreline sa Sitio Maydangeb na  madalas puntahan ng mga turista dahil puti ang mga buhangin at magandang paliguan ay maraming nakahalong pumice stones na delikado sa balat ng tao.

Ito ang dahilan na pinayuhan ang mga tao na iwasan munang pumunta sa lugar.

-- Advertisement --

Ayon kay Ginoong Esdicul, halos lahat  ng eastern side ng Sabtang at Batan island ay makapal ang pumice na nadala roon ng alon.

Batay aniya sa paliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS),  ang mga pumice  ay galing sa pumutok na underwater volcano sa Southern Japan.

Noong Agosto pumutok ang bulkan ngunit nadala ang mga ito sa karagatan ng Batanes dahil sa hanging Amihan at malalaking alon sa  dagat.

Karamihan ng mga naanod ay nasa baybayin ng eastern part ng Sabtang island.

Inaalam pa ang ibang beach na mayroon ding pumice stones  para matukoy kung paano ang disposal o kung saan itatapon ang mga ito para malinis ang shoreline ng mga beach.

Gayunman, hindi ito gaanong problema ngayon dahil wala pang turista sa naturang mga isla.

Payo aniya ng PHIVOLCS ang mga bangkang de motor   at mangigisdang lumalangoy ay iwasan muna dahil maaaring mahigop at makabara sa  makina ng bangka o masingkot ng tao ang mga pumice.

Ang pahayag ni PDRRM Officer Roldan Esdicul