CAUAYAN CITY – Mas hinigpitan pa ng Hongkong ang mga pumapasok sa kanilang bansa matapos makapagtala ng positibo sa Omicron variant.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Marie Villarde, isang OFW sa Hongkong at tubong Lunsod ng Ilagan na  may mga biyahe sa South Africa ang naitalang infected ng  Omicron variant na dumating sa Hongkong.

Sinabi ni Villlarde na bukod sa South Africa ay nagpatupad  na rin ng travel ban ang Hongkong sa Canada, Australia at mga bansang nagtala ng Omicron variant.

Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng Hongkong ang pagbibigay ng booster shots sa kanilang mga mamamayan upang magkaroon ng panlaban sa Omicron variant.

Ngunit ilang OFWs sa Hongkong ang natatakot ngayon na magpaturok ng booster shots dahil ilan sa kanila ang nagkaroon ng sakit matapos  maturukan ng ng COVID-19 vaccines.

-- Advertisement --

Inihayag naman ni Villarde na nasusunod pa rin ang mga health protocols sa Hongkong pangunahin na ang paglimita sa mga taong nagtitipon.

Maging ang nakagawiang day-off ng mga OFW ay nakakansela dahil sa takot na magkahawaan sa virus at mahuli ng mga pulis dahil mahigpit ang pagpapatupad ng mga health protocols sa naturang bansa.