CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit tatlong milyong piso ang kabuuang halaga ng pinsalang idinulot ng aksidenteng naganap sa Brgy. Baretbet, Bayan ng Bagabag kung saan sangkot dito ang isang Fuel Tanker na aksidenteng nahulog sa isang tulay na nagdulot ng pagsiklab ng apoy sa lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Ranser Evasco, ang Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office sinabi niya na kasalukuyan pa ring nasa pagamutan ang tatlong biktima na nakaligtas sa aksidente.

Sinagot na rin naman aniya ng kumpanya ng Fuel Tanker na Royal Class ang mga bayarin sa burol ng dalawang nasawi at hospital expenses naman ng tatlong biktimang nakaligtas.

Nakipagusap na rin ang may ari ng kumpanya sa Jan Noris Construction para sa pinsalang idinulot ng pagkahulog ng Fuel Tanker at pagliyanb nito sa ginagawang bahagi ng tulay kung saan kabilang sa pinaguusapan ang halaga ng mga equipment, sasakyan at iba pang mga kagamitang ginagamit sa pagsasaayos ng tulay na aabot sa tatlong milyong piso.

Nagkaroon na rin ng alternatibong paraan ang DPWH Nueva Vizcaya sa naapektuhang bahagi ng tulay dulot ng pagliyab ng apoy kung saan one way lamang ang pinapahihintulutan ngayong gamitin at one vehicle at a time ang nagiging sistema pangunahin na ang pagdaan ng mga malalaking sasakyan dahil apektado rin ng aksidente ang isang pundasyon ng tulay.

-- Advertisement --

Wala namang nakitang skid mark ang mga tapagsiyasat bilang tanda ng maaaring pagpreno ng tsuper at ayon sa salaysay ng mga nakaligtas bigla na lamang ang pagkahulog nito at hinihinalang nakaidlip ang driver na namatay sa nasabing aksidente.