Photo credit: Mr. Ed Bartolome

CAUAYAN CITY – Dalawa ang nasawi dahil sa pagkasunog ng kanilang katawan habang tatlo ang nasugatan matapos mahulog sa tulay at nagliyab ang isang fuel tanker dakong alas onse kagabi sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Romeo Barnachae Jr., hepe ng Bagabag Police Station na galing ang fuel tanker sa Manila at patungog Isabela nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver sa bukana ng tulay, bumangga sa railing at nahulog sa baba ng tulay na may 10 metro ang lalim.

Lima ang sakay ng fuel tanker at ang tatlong nasugatan na nagtamo ng sunog sa katawan ay isinugod sa isang ospital sa Solano, Nueva Vizcaya.

Sila ay sina Edwin Pacleba, 52 anyos, Jayson Pacleba, 18 anyos, kapwa residente ng Palattao, Naguilian, Isabela at Eric Peralta, 34 anyos at residente ng Ramon, Isabela.

Ayon kay PMaj Barnachea, ang fuel tanker ay pag-aari ng Royal Class Company sa Pulilan, Bulacan at nakikipag-ugnayan na sila sa kompanya para malaman ang pagkakilanlan ng dalawang nasunog ang katawan .

Sa ilalim ng tulay ay may bunkhouse ng mga laborer sa ginagawang bagong tulay ngunit walang nadamay sa kanila dahil nakatakbo sila bago nasunog ang bunkhouse.

Nadamay ding nasunog ang ilang tricycle, elf at ilang equipment na ginagamit sa construction.

Agad namang tumugon ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Bagabag at mga karatig na bayan para apulain ang sunog na dulot ng pagsabog ng fuel tanker.

Naapula ang apoy matapos ang ilang oras.

Ang pahayag ni PMaj Romeo Barnachea Jr.