CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga otoridad ang isang fighting cock trainer o nag-aalaga ng mga panabong na manok sa San Isidro, Cauayan City matapos siyang masamsaman ng mga baril at bala sa isinagawang search warrant sa bahay nito.

Ang inaresto ay si Ryan Piamonte, 45-anyos at residente ng nasabing barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Santiago City katuwang nila ang Cauayan City Police Station sa pagsisilbi ng search warrant sa tahanan ni Piamonte.

Nakuha sa bahay ng pinaghihinalaan ang dalawang unit ng Caliber 45 na  baril, tatlong magazine at labing isang bala ng Caliber 45.

Nasa kustodiya na ng CIDG Santiago City ang pinaghihinalaan at ang mga nasamsam na mga baril at bala para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon.

-- Advertisement --

Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).