CAUAYAN CITY – Isa sa papalawakin ng Deped Region 2 ang online learning para sa pagbubukas ng klase bukas, araw ng lunes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Amir Aquino, ang Information Officer ng Deped Regiion 2 sinabi niya na sabik  sila sa pagsisimula ng klase bukas at magandang balita dahil nahigitan ng 1.06% ng mga  enrollees ang dating bilang noong nakaraang taon.

Nasa 914,822 ang kabuuang bilang ng enrollees noong nakaraang taon habang sa kasalukuyan ay umabot na sa 924,647 at maaari pa itong madagdagan sa mga susunod na araw dahil sa mga hahabol na magpapaenroll.

Kabuuang bilang na ito mula sa mga mag aaral ng kinder hanggang senior high school.

Ayon kay Ginoong Aquino, nagpapakita lamang ito na kumpyansa na ang mga magulang sa paraan ng Deped kung paano ipatupad ang distance learning at napansin nila ito sa matagumpay na school year 2020-2021 kahit may pandemya.

-- Advertisement --

Dahil mayroon nang karanasan ang Deped sa nakaraang school year ay maraming mga pagbabago ang kanilang ipapatupad sa ipagpapatuloy na blended learning ngayong taon.

Aniya kanilang palalawakin ang online learning ngayong taon ngunit kanyang iginiit na hindi lamang ito ang gagamitin dahil napakarami pang method na naaayon sa mga lugar lalo na sa mga walang signal ng internet ay hindi maaari ang online learning kaya karamihan ay modular ang gamit.

Dumami na rin ang mga eskwelahan na purong online na ang ginagamit dahil karamihan sa kanilang mga estudyante ay may access sa internet.

Dahil dito ay mas palalawakin ng Kagawaran ang paggamit sa nasabing method dahil mas madali ito at hindi gaanong matrabaho at magastos tulad ng modular.

Sa pagbubukas ng klase bukas ay sasama ang DEPED Region 2 sa National Kick off program ng DEPED Central Office, pagkatapos nito ay magkakaroon ng Oplan Balik Eskwela Assessment sa unang tatlong linggo ng klase.

Tiniyak ni Ginoong Aquino na handa ang Deped sa pagsimula ng school year 2021-2022 dahil sa mga naranasan sa nakaraang school year ay malaki na ang kanilang ideya na mas mabuti kumpara sa kanilang dating ginawang plano.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Amir Aquino, ang Information Officer ng Deped Regiion 2.