CAUAYAN CITY – Patay sa kaniyang mismong kaarawan ang isang 28-anyos na dating konsehal na ngayo’y kawani ng Provincial Tourism Office ng Isabela matapos na maaksidente habang lulan ng kaniyang motorsiklo sa Centro, Cabatuan, Isabela noong Biyernes,  Mayo 1, 2020.

Ang nasawi ay si Gregg Benedict Navarro, kawani ng Provincial Tourism at residente sa nasabing lugar.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng Cabatuan Police Station na mabilis na tinatahak ng biktima ang pakurbadang bahagi ng pambansang lansangan nang dumausdos ang kanyang motorsiklo na nagresulta sa pagkatilapon niya at nagpagulong-gulong pa sa daan.

Agad na dinala sa isang pribadong ospital si Navarro subalit namatay habang nilalapatan ng lunas.

Nabatid na walang suot na helmet ang biktima nang maganap ang aksidente kaya nagtamo ng matinding pinsala ang kanyang ulo.