CAUAYAN CITY – Tumaas ang Case Percentage of Fatality o bilang ng mamatay dahil sa virus sa rehiyon ng 3% mula sa dating 2.6%.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nica Taloma,  Head, Collaborating Center for Disease Control and Prevention, sinabi niya na umabot na sa kabuuang 86,641 ang cumulative cases ng Covid 19 sa rehiyon at ang aktibong kaso ay nasa 9,178 habang tumaas naman sa 2,600 ang bilang nasawi dahil sa virus.

Batay sa datos, ang buwan ng Agosto ang may pinakamaraming naitalang nasawi dahil sa virus ngayong taon habang ngayong nangangalahati pa lamang ang setyembre ay mataas na ang bilang ng nasasawi na umabot na sa 424 na maaaring madagdagan pa sa pagdaan ng mga araw.

Pinakaapektadong age group ang mga may edad animnaput isa hanggang pitumpu o mga senior citizens.

Tumaas naman sa 32.6% ang positivity rate o bahagdan ng mga tini-test na nagpopositibo na isa na sa pinakamataas na naitala sa rehiyon mula noong magsimula ang pandemya.

-- Advertisement --

Samantala 5% naman ng 701 na kabuuang huling naitalang tinamaan ng virus sa rehiyon ay mga healthcare workers o kabuuang 35 na kaso.

Ayon pa kay Dr. Taloma, sa kasalukuyan ay nasa high epidemic risk classification pa rin ang rehiyon.

Ang lalawigan ng Batanes ay nananatiling nasa minimal risk habang ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino ay nasa high risk category.

Ang lunsod ng Tuguegarao ay bumaba na sa Moderate Risk; ang lunsod ng Cauayan ay nasa high risk; ang lunsod ng Ilagan ay nasa low risk habang ang lunsod ng Santiago ay nasa critical risk dahil sa maraming naitalang kaso maging ng delta variant cases.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Nica Taloma,  ang Head ng Collaborating Center for Disease Control and Prevention.