CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng Buckingham Palace ang nalalapit na koronasyon ni King Charles sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Atty. Girlie Gonito, sa May 6 ang koronasyon na naitapat sa araw ng Sabado kaya magiging holiday hanggang Lunes.
Ang nasa 8,000 guest ay binawasan na at naging 2,000 na lamang dahil nais ng hari na maging simple lamang ang koronasyon dahil sa kinakaharap na krisis sa ekonomiya ng Britanya.
Magkakaroon naman ng mahigit dalawang linggong prepasyon ang palasyo para rito.
Gagamiting korona ni King Charles ang ginamit din ng kanyang namayapang ina na si Queen Elizabeth II na minana rin nito kay King Edward.
Gagamitin din ang karwahe na gawa sa purong ginto at inaasahan ang star-studded concert sa Windsor Castle, street parties at national volunteering campaign na tinawag na “The Big Help Out.”
Hindi naman imbitado sa koronasyon ang mag-asawang Megan at Prince Harry ayon kay King Charles.
Ito ay matapos ang mga rebelasyon ng mag-asawa sa mga nangyayari umano sa loob ng Royal Family.
Una nang nagbigay ng pahayag dito si Prince Harry kung saan sinabi niya sa media na nasa Royal Family na ang desisyon kung sila ay iimbitahan sa koronasyon.
Sa koronasyon ni Queen Elizabeth, 70-taon na ang nakalipas ay umabot sa 200 milyong katao sa buong mundo ang nanood at ngayong mayroon nang internet at satellite ay inaasahan na mas dadami pa ito.