CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Aritao Police Station sa panggagahasa umano sa isang estudyantel sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay itinago sa pangalagang Ica, 19 anyos habang itinago naman sa pangalang Mark Anthony ang suspek, 17 anyos kapwa estudyante at residente ng nasabing lugar.

Nagtungo sa Aritao Police Station ang mga kamag-anak ni Ica para isumbong ang panggagahasa umano sa kanya.

Batay sa imbestigasyon ng mga miyembro ng Aritao Police Station, bago ang pangyayari ay nagkayayaang mag-inuman sa bahay ng biktima ang kanyang mga kaibigan kabilang na ang suspek.

Kinabukasan ay nakita na lamang ng magulang ni Ica na siya ay umiiyak at sinabi ang ginawa ni Mark sa kanya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Efren Callis, deputy Chief of Police ng Aritao Police Station, nagdiwang sina Ica at mga kaibigan dahil sa pagiging Dea’s Lister ng dalaga sa kanyang paaralan sa kalakhang Maynila.

Tinatayang tumagal ng mahigit anim na oras ang kasiyahan at nang malasing na ang lahat at makita ng suspek na nagtungo sa kanyang kwarto ang biktima ay sinundan niya ito at isinakatuparan umano ang panggagahasa.

Depensa naman ni Mark na ginusto ng biktima ang nangyari sa kanila at kapwa sila lango sa alak nang may mangyari sa kanila.

Nasa pangangalaga ngayon ng Children in Conflict with the Law (CICL) Facility ang binatilyo habang patuloy ang imbestigasyon ng mga kasapi ng Aritao Police Station.