CAUAYAN CITY– Inihahanda na ang kasong homicide laban sa isang ng menor de edad na sumaksak at nakapatay sa kanyang kainuman sa Purok 3, Barangay Marabulig 1, Cauayan City.

Ang biktima ay si Christian Tabio 23 anyos, binata habang ang suspect ay si Paulo (di tunay na pangalan), 17 anyos, out of school youth at kapwa residente ng naturang barangay.

Sa nakuhang impornasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nag-inuman umano ang biktima at suspect kasama ang iba pa sa barangay Marabulig 1 nang magsuntukan ang dalawa.

Nagawang maawat ang biktima at suspect ng mga kainuman ngunit kumuha umano ng kutsilyo ang menor de edad at sinaksak sa dibdib si Tabio

Dinala pa sa Cauayan District Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Nadakip ng mga tumugon na opisyal ng barangay ang suspect na ipinasakamay sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.