CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Kawanihan ng Pamatay Sunog ng BFP Isabela sa publiko may kaugnbayan sa mga nagpapanggap na bumbero at nangingikil sa mga negosyante kapalit ng pekeng Fire Safety Certificate.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 2 Samuel Domingo ng BFP Isabela, sinabi niya na sadyang nakakadismaya ang paglipana ngayon ng mga indibiduwal na nagpapanggap bilang kawani ng BFP na nag-aalok ng pekeng fire safety certificate kapalit ng pera.

Babala ni SFO2 Domingo sa mga may-ari ng mga establisyemento at negosyante na upang hindi na mabiktima ng mga nagpapanggap na Miyembro ng BFP at mabigyan ng pekeng fire safety certificate na mas mainam na makipag-ugnayan at magtungo mismo sa  mga BFP stations.

Paglilinaw ni SFO2 Domingo na hindi pinahihintulutan ng BFP Isabela ang pakikipagtransaksiyon at pagpapalabas ng clearances sa labas ng kanilang mga tanggapan.

Para sa kaalaman ng nakararami inihayag ni SFO2 Domingo na ang pagpapalabas  ng fire safety inspection certificate ay nakapaloob sa Republic Act number 9514  o Fire code Of the Philippines.

-- Advertisement --

Nakasaad sa naturang batas na hindi maaaring mabigyan ng business permit ang mga negosyo o establisyiomento kung hindi sila nabigyan o nakakuha ng fire Safety Inspection permit o Fire Safety Certificate.

Ayon kay SFO2 Domingo magbibigay lamang sila ng Fire Safety Certificate  kung maghahain ng aplikasyon sa kanilang opisina ang mga may-ari ng establisyimento upang sumailalim sa initial inspection.

Dagdag pa niya na susuriin ang bawat establisyimento kung nakatugon  sa fire Safety Standard ng BFP at kung mapatunayang ligtas o nakapasa sa fire safety standard ay agad silang magpapalabas ng Fire Safety  Inspection Certificate sa loob ng tatlong araw.

Kung sakali naman may makitang paglabag o vilation sa Fire Safety Standard ay magpapalabas naman ang BFP ng notice of Disapproval o Correction of Violation  sa naturang establisyimento at kinakailangan makapagreport ang mga may-ari- sa kanilang opisina para sa re-inspection.

Iginiit pa ni SFO2 Domingo na bagamat may kaukulang  fee o bayad ang pagkuha ng fire safety certificate nilinaw niya na  15% sa mga bayarin ay charge sa Local Government Unit at hindi bababa sa limang daang piso ang babayaran.

Idinagdag pa ni SFO2 Domingo na bagamat may ilang  opisina ng BFP sa Lalawigan ang nagsasagawa ng online processing ay isinasagawa pa rin sa mismong mga tanggapan ang pagkuha ng mga certificate kalakip ang official reciept o resibo na kanila ring ibibigay upang matiyak na sapat at hindi labis ang kanilang binabayaran.

Paalala ni SFO2 Domingo sa mga kumukuha ng Fire Safety Certificate na hanapan ng Official Reciept ang mga nag nagbibigay ng dokumento o di kaya naman inspection order para sa personnel na nagsasagawa ng inspeksyon.

Kailangan ring nakausot ng BFP Uniform ang personnel na magtutungo sa kanilang mga establisyimento at may ID na magpapatunay na sila ay miyembro ng BFP sa kanilang mga lugar.

Para naman sa mga may pagdududa o pag-aalinlangan ay maaari lamang silang tumawag o makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng kanilang hotline o sa kanilang offical facebook account.