CAUAYAN CITY РMuling pinatunayan ng barefoot runner na si Lheslie De Lima ang kanyang husay sa pagtakbo matapos na mapanalunan  ang ikatlong gintong medalya sa 2019 PSC Batang Pinoy Games Luzon qualifying leg sa Lungsod ng Ilagan, Isabela na magtatapos na ngayong araw.

Si De Lima, 15 anyos, grade 8 sa Baao National High School, Baao, Camarines Sur ay nanalo ng ikatlong gintong medalya sa 800 meter run.

Naunahan siya ng mga nakatunggali sa unang round ngunit nagawa niyang makahabol at nanalo.

Una siyang nagwagi ng gintong medalya sa 3km run at 1,500 meter run.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni De Lima na nakasuot siya ng sapatos sa kanyang training ngunit nabibigatan siya sa kanyang spike shoes kaya minabuti niyang tumakbo na nakapaa dahil mas magaan ang kanyang pakiramdam.

Una siyang naglaro sa volleyball ngunit nakitaan siya ng potential sa pagtakbo noong grade 5.

Tatlong beses na siyang lumahok sa Palarong Pambansa.