CAUAYAN CITY Inaresto ang siyam na indibiduwal kabilang ang apat na babae sa isang restaurant sa Mabini, Santiago City matapos na maaktuhang umiinom ng nakalalasing na inumin sa kabila ng umiiral na Liquor Ban sa lunsod.

Ang mga dinakip ay sina Marco Luig, 39-anyos, may asawa, caretaker at residente ng San Narciso Victorio, Oriental Mindoro, Elias Dingal, 62-anyos, may asawa, helper, Jerome Mangulabhan, 27-anyos, binata, kapwa residente ng Mabini, Santiago City, Alberto Ehal Jr., 34-anyos, may asawa, Agriculture Technician, residente ng Saguday, Quirino, Julian DG Alberto, 30-anyos, binata, Service adviser, residente ng Naggasican, Santiago City, Alyas Shiella, Alyas Karla, kapwa 20-anyos, Alyas Dianna, 31-anyos, Alyas Jane, 23-anyos, pawang mga dalaga, entertainer at residente ng Mabini, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dinakip ang mga pinaghihinalaan ng mga kasapi ng Santiago City Police Office (SCPO) Presinto Uno dahil sa paglabag sa batas na sumasaklaw sa liquor ban gayundin sa pagkakasuspinde pansamantala ng mga videoke bar sa lunsod bunsod ng COVID-19 pandemic.

Giit naman ng mga suspek na nagkakasiyahan lamang sila dahil sa kaarawan ng kanilang kasama subalit sa record ng mga awtoridad ay pangalawang beses na itong paglabag ng naturang establisyemento at nang mga dinakip.

Maaring maharap ang mga pinaghihinalaan sa kasong paglabag sa Republic Act 11332 in relation to City Ordinance No. 10THCC-068 ng lunsod ng Santiago.