CAUAYAN CITY – Isang 58 anyos gulang na babae ang naitala na ikatlong nasawi sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa pamahalaang lunsod, ang nasawing pasyente ay si CV 5084 mula sa Barangay Plaridel,Santiago City.

Kinumpirmang positibo sa virus ang nasawing pasyente noong ika-29 ng Disyembre 2020.

Wala siyang kasaysayan ng paglalakbay subalit nakaranas ng ubo noong ika-20 ng Disyembre at mayroon ding comorbidities tulad ng diabetes at hypertension.

Nasa pangangalaga ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang pasyente nang bawian ng buhay.

Kinumpirma rin ng pamahalaang lunsod ang pagpositibo sa COVID-19 ng isang 32 anyos na lalaki at mula sa Barangay Plaridel.

Si CV 5875 ay walang kasaysayan ng paglalakbay ngunit nakasalamuha si CV 5625 na kanyang hipag.

Nakaranas siya ng lagnat, ubo at pagkawala ng panlasa na nagsimula noong January 1, 2021.

Nakuhanan siya ng specimen sample noong January 10, 2021 at nagpositibo sa Virus.

Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng SIMC ang bagong naitalang kaso habang patuloy ang pagsasagawa ng contact tracing ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) para sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.

Kaugnay nito ay umakyat na sa 625 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Santiago City at 591 na ang gumaling, 33 ang aktibong kaso habang tatlo ang nasawi.

Patuloy ang paalala ng pamahalaang lunsod sa mga mamamayan na sumunod sa mga sa minimum health protocol para maprotektahan ang sarili at pamilya laban sa COVID-19.