CAUAYAN CITY– Nasa third phase na ng human clinical trial ang limang vaccine ng China na kontra sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rhio Zablan, foreign staff ng China at miyembro ng China Media group na kabilang sa mga vaccine ng naturang bansa na nasa third phase na ang human clinical trial ay ang inactivated vaccine, recombinant protein vaccine, attenuated influenza virus vaccine, adenoviral vector vaccine at nucleic acid vaccine.

Kabilang sa mga isinasailalim sa human clinical trial ay ang mga pulis, militar, medical personnel at manggagawa sa mga food chain production.

Aniya, bawat lalawigan sa China ay may sariling panahon para sa paggamit ng napili nilang bakuna at kung sino ang mga uunahin.

Noong Hulyo pa sinimulan ang pagbabakuna kung saan mahigit isang milyon na ang nabakunahan at hanggang ngayon ay wala pa namang side effect sa mga naturukan.

Sa kabila nito ay wala pang sinasabi ang pamahalaan ng China kung kailan bubuksan sa merkado ang mga naturang bakuna.

Ayon kay Ginoong Zablan, sakali mang buksan na ito sa merkado ay siguradong isa ang Pilipinas sa uunahing bigyan ng China gayundin ang United Arab Emirates, Brazil, Pakistan, Peru at iba pang bansa na nangangailangan.

Ang bahagi ng pahayag ni G. Rhio Zablan