CAUAYAN CITY – Nagkasagupa ang tropa ng pamahalaan at ang mga miyembro ng komunistang grupo sa bahagi ng Sitio Salong, Barangay Tanglagan, Gattaran kahapon bandang alas singko ng umaga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Jekyll Dulawan, ang DPAO Chief ng 5th ID PA, sinabi niya na habang nagsasagawa ng Focused Military Operations ang tropa ng 77th Infantry Battalion upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa nasabing lugar, bigla na lamang silang pinaputukan ng nasa limang mga miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley at agad na nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng mahigit limang minuto.

Mabilis na tumakas ang mga rebelde at maswerte namang walang naitalang sugatan sa panig ng pamahalan habang bineberipika pa sa panig ng komunistang grupo.

Agad na isinagawa ng mga sundalo ang pagsisiyasat sa pinagpuwestohan ng mga rebelde at narekober nila ang isang carbine at dalawang springfield rifle.

Sinabi ni LtCol Joeboy Kindipan, Battalion Commander ng 77th Infantry Battalion na palaging handa sa  pagtugon ang kanilang hanay sa mga impormasyon ng mga mamamayan ukol sa presensya ng mga teroristang grupo sa kanilang lugar.

-- Advertisement --

Nagbabala naman si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi titigil ang hanay ng sundalo sa pagsugpo sa insurhensiya kung kaya hindi rin hahayaan na makatakas sa kamay ng batas ang mga nananatili pa ring miyembro ng teroristang grupo.

Nanawagan naman si MGen Laurence E. Mina, Commander ng 5th Infantry Division na huwag nang sayangin pa ng mga natitirang mga miyembro ng CTG ang oportunidad na ibinibigay ng pamahalaan upang sila ay makapagbagong buhay.