CAUAYAN CITY – Labing isang katao ang sugatan sa banggaan ng dalawang tricycle sa provincial road ng Barangay Culalabat, Cauayan City

Ang mga sugatan ay ang nagmamaneho ng tricycle na si Carlos Aluad, 57, magsasaka, at mga sakay nitong sina Margie Aluad, 49; Angel Judith Aluad, 16; Devine Mae Aluad , 10, at John Carlo Aluad, 6,na pawang residente ng Cabisera 17-21, San Rafael, Ilagan City.

Sugatan din ay ang isa pang tsuper ng tricycle na si Juan Adriano, 36, at mga sakay nitong sina Charmaine Adriano Lumanta, 11; Samuel Castillo, 35; Laila Castillo. 30; Jan Dy Castillo, 8, at walong buwang sanggol na si Jaseia Castillo na pawang residente ng District 3, Cauayan City.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na binabagtas umano ng tricycle ni Aluad ang nabanggit na lansangan patungong Barangay Rizal habang patungong kasalungat na direksyon naman ang tricycle ni Adriano.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bahagyang huminto umano ang sinusundang tricycle ni Adriano kung kaya’t nilampasan umano niya ito subalit hindi nito napansin ang kasalubong na motorsiklo hanggang nagbanggaan ang dalawang tricycle.

Dahil dito ay nagtamo ng mga sugat at gasgas sa katawan ang mga Aluad at mga sakay nito maging si Adriano at ang mga sakay nito na dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.