CAUAYAN CITY– Tinanggal ang 12 National Guard members dahil sa usapin ng security threats sa Estados Unidos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Jon Melegrito, Editor ng isang newspaper sa Washington DC na umabot sa 12 National Guard members ang tinanggal dahil napag-alaman sa isinagawang imbestigasyon na mayroon silang kaugnayan sa right wing groups.

Maari pa aniyang madagdagan ito ng mahigit 10 dahil patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI).

Ayon sa kanya, mahigpit ang pagbabantay ngayon sa Capitol Hill at nagpakalat na sila ng 20,000 National Guard members para matiyak na hindi na mauulit ang nangyari noong January 6, 2021 na riot sa U.S. Capitol.

Bukod sa Capitol Hill ay babantayan din ang mga Capitol Building ng 50 estado dahil sa tangka umanong panlulusob ng right wing groups.

Taliwas naman sa nangyayari kada inagurasyon ng nananalong pangulo ng Amerika ang mangyayari dahil limitado lamang ang papayagan para sa seguridad ng lahat at bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.

Ang bahagi ng tinig ni G. Jon Melegrito, News Editor sa Washington DC