VIGAN CITY – Pinaghahanap na ng mga otoridad sa Ilocos Sur ang dalawang American national na pinaniniwalaang miyembro ng budol-budol gang matapos makapang-biktima ng isang kahera ng grocery store sa bayan ng Sto. Domingo.

Batay sa ulat, nilapitan ng mga suspek ang kaherang si Marilyn Tabilos, 50, ng ZAF Grocery store sa Brgy. Padu Chico, na nais umanong magpapalit ng P1, 000 bill.

Agad naman daw inasikaso ng kahera ang transaksyo pero nakiusap umano ang isa sa mga salarin na ito na ang pipili ng peso bill na kanyang ipapapalit.

Kaya inabot ni Tabilos ang bundle ng P1,000 na kabuuang P33,000.

Habang sinusuri raw ng suspek ang pera ay umorder ang kasamahan nito ng softdrink sa biktima kaya nawala ang atensyon nito sa mga nagpakilalang customer.

Matapos iabot ang biniling inumin, binalik daw ng suspek na may hawak ng pera ang hiniram na bundle at agad umalis.

Dito na raw napansin ni Tabilos na tila nabawasan ng P10,000 ang ibinalik na pera sa kanya ng mga salarin.