Binubuo na raw ng Philippine National Police (PNP) ang reklamong isasampa laban sa mga nasa likod ng kumalat na ulat kamakailan na ni-raid ang isang private hospital para kumpiskahin ang kanilang medical supplies.
Ayon kay PNP chief police Gen. Archie Gamboa, natukoy ng kanilang imbestigasyon na unang lumabas ang impormasyon sa private group na “Chevening Alumni-Ph.”
“Case build-up operations are underway against the authors of the most recent fake news item on Facebook that reported the alleged police raid at The Medical City where some pieces of Personal Protective Equipment (PPE) were allegedly confiscated,” ani Gamboa sa isang statement.
Nakasaad sa mga kumalat na screenshots online ang palitan ng impormasyon tungkol sa pag-raid umano ng mga otoridad sa The Medical City sa Pasig.
Batay sa ulat, pinagkukuha raw ng mga pulis ang ilang personal protective equipment dahil ido-donate raw ito ng isang government official sa ibang ospital at komunidad.
Una ng dumepensa laban sa issue ang Office of the Civil Defense, na siyang inatasan sa distribusyon ng mga donasyon at PPEs.
Maging ang pamunuan ng ospital ay itinanggi rin ang insidente.
Paliwanag ni Gamboa, hindi nakakatulong ang pagpapakalat ng maling impormasyon lalo na sa gitna ng panahon ng krisis tulad ng COVID-19.
Pinayuhan din ng chief PNP ang publiko na i-validate muna ang mga nakukuhang impormasyon, lalo na kung hindi sigurado ang pinanggalingang sources.
“In this advanced age of digital information, we must exercise discernment to analyse every bit of news through a quick test of reliability of source and reliability of information.”