Reading Time: 1 minute

LEGAZPI CITY – Target na umano mailabas ngayong linggo ang initial findings sa isinasagawang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) patungkol sa plane crash sa Calamba City, Laguna, nitong Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, nasa area na ang mga tauhan ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board para sa ilang proseso ng pagsusuri.

Kabilang sa mga nilalayong matukoy ng mga ito ay ang lagay ng panahon bago mangyari ang insidente, pag0decode sa narekober na flight data recorder, reconstruction ng parts ng 11-seater medical evacuation aircraft, at account ng mga nakasaksi.

Titiyakin din aniya ang “worthiness” ng maliit na eroplano bago lumipad, maging ang background ng ilan sa mga crew.

Nilinaw naman ni Apolonio na aabutin pa ng ilang buwan ang paglabas ng final evaluation report sa nangyari lalo na’t nakatakdang ipadala sa ibang bansa ang nakuhang recording equipment para sa eksaminasyon.

Nabatid na pabalik na sana ng Maynila mula sa Dipolog City ang eroplano upang maghatid ng pasyente nang magkaaberya sa paglipad at bumagsak malapit sa isang resort sa Calamba na ikinasawi ng siyam na sakay kabilang ang piloto at co-pilot.