Reading Time: 1 minute

DAVAO CITY – Halos 20 minuto na nakipagbarilan sa mga pulis at sundalo ang napaslang na CAFGU member na suspek sa pag-massacre sa apat na miyembro ng pamilya sa Marilog District sa lungsod.

Una nang kinilala ang suspek na si Randy Balagisi, 23, CAFGU Active Auxiliary (CAA) member ng 16th Infantry Battalion ng Barangay Gumitan Patrol Base.

Ayon kay Davao City police office director Col. Alexander Tagum, napatay si Balagisi sa engkwentro sa Sitio Lapinig, Marilog District, Davao City.

Isinagawa ng Marilog Police Station ang hot pursuit operation ala-1:30 kahapon sa pangunguna ng station commander Major Estrillo Ramiso.

Una nang napag-alaman na si Balagisi suspek sa pagpaslang sa magkakamag-anak noong Martes, Mayo 14 sa Sitio Guilon, Barangay Marilog, Marilog District, Davao City.

Ginahasa rin daw ng suspek ang isa sa mga biktima bago ito pinaslang.