KORONADAL CITY – Patuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pamamaril sa dalawang lalaki sa Kidapawan City.

Ayon kay P/Lt/ Col. Ma. Joyce Birrey, hepe ng Kidapawan City PNP, ang mga biktima ay kinilalang sini Gerry Mee Alforque Makilang, 37, isang STL employee nakatira sa Sitio Maligaya; at Edwin Puntungan, 29, Special Civillian Armed Forces Geographical Unit member ng 39th Infantry Battalion at residente ng Dalag, Marilog District, Davao City.

Ayon sa imbestigasyon ng Kidapawan City PNP, pinagbabaril ng gunman na sakay ng pick-up truck na kulay puti ang dalawang biktima habang lulan naman ng motorsiklo.

Nagtamo ng sugat mula sa tama ng baril ang dalawang biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan at agad na isinugod sa bahay pagamutan.

Narekober sa crime scene ang tatlong mga basyo ng .45-caliber pistol na ginamit sa pamamaril.

Sa ngayon, personal grudge ang isa sa mga sinusundang anggulo ng pulisya sa pamamaril sa dalawang biktima.