Mahigpit ngayon ang direktiba ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na sundin ang pagpapatupad ng “no-fly zone” sa opening at closing ceremony ng South East Asia (SEA) Games.

Sa inisyu ng CAAP na notices to airmen (NOTAMs), mula November 30 at December 11, ipatutupad ang “no-fly zone” sa paligid ng Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan at New Clark City, sa Pampanga na mga venue ng 30th South East Asian (SEA) Games.

Base sa NOTAMs, bawal ang aircraft operations sa loob ng tatlong nautical miles at restrict general aviation flights sa loob naman ng 40 nautical miles sa Philippine Arena at New Clark City mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi.

Epektibo ito sa opening at closing ceremonies ng Games sa November 30 at December 11.

Kabilang sa no-fly zone sa operasyon ng Unmanned Aircraft Vehicles (UAV) o drones.

Hiniling naman ng CAAP ang kooperasyon ng publiko at sinigurong ang airline operations sa Clark International Airport ay hindi apektado ng NOTAMs.