BUTUAN CITY – Nanawagan ng suporta ang isang dance group na naka-base sa Agusan del Norte para makapasok sila sa sasalihang kompetisyon sa United Kingdom.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng lider ng Filimeter Crew na si Jobert Te Rentor, 22, na malaking bagay para sa kanilang mga kababayan at buong bansa ang makasali sa UDO World Championship.

Ayon kay Rentor, ilan sa kanyang mga ka-grupo ang kulang ng kakayahang pinansyal kaya napilitang sila na lima lang ang ipadala sa Maynila para sa Asia Pacific International Dance Championship 2019 ng UDO.

Dito makakaharap nila ang mga grupo mula sa bansang Japan, China, United Arab Emirates, Russia, India, Malaysia, Thailand, Singapore at Vietnam.

Gaganapin ang World Championship sa August 20 hanggang 23 sa susunod na taon.

Desidido si Rentor na madala ang kanyang grupo sa United Kingdom upang makapagbigay ng karangalan para sa bansa.