KORONADAL CITY- Hinihintay na lamang ang resulta ng swab test mula sa Department of Health matapos dalawang beses na magpositibo sa rapid testing ang isang buntis sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Tampakan Mayor Leonard Escobillo sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Escobillo, ang nasabing indibidwal ay may travel history sa Cebu City at umuwi sa nabanggit na bayan dahil sa Balik-Probinsya Program ng lalawigan.

Maliban sa kaniya, isinailalim rin sa quarantine ang asawa at anak nito.

Tiniyak naman ng alkalde na kanilang aatupagin ang pangangailangan ng pinaniniwalaang suspected case habang ito ay nasa kanilang pangangalaga.