Reading Time: 1 minute

TUGUEGARAO CITY – Patay ang isang buntis at ang nasa kanyang sinapupunan at isa pang babae sa banggaan ng kulong-kulong at pick-up sa Ballesteros, Cagayan.

Sinabi ni P/MSgt. Jacob Manalang ng PNP Ballesteros, sa kanilang imbestigasyon, pababa ang kulong-kulong na ang driver ay ang buntis na kinilalang si Christine Joyce Paño, 45, at sakay si Kristina Ulibas, 52, nang hindi makontrol ni Joyce ang manibela na dahilan para bumangga ang kanilang sasakyan sa kasalubong sa pick-up.

Agad na namatay si Kristina habang binawian ng buhay sa ospital ang buntis habang nagpapagaling pa ang kanyang limang taong gulang na anak.

Sinabi ni Manalang na galing umano sa birthday party ang mga biktima.

Wala namang tinamong sugat ang driver ng pick-up na si Nancy Usita na agad din na tinulungan ang mga biktima.

Sinabi pa ni Manalang na hindi na magsasampa ng kaso ang panmilya ng mga biktima dahil sa tanggap umano nila na aksidente ang nangyari.