-- Advertisements --

Nakapagtala ang Phivolcs ng 167 volcanic earthquakes sa Bulusan Volcano sa loob ng 24 oras, ayon sa ulat nitong Miyerkules, Hunyo 11—malayong mas mataas kumpara sa 14 na lindol noong nakaraang araw.

Ayon sa ahensya, napansin din ang makapal na pagbuga ng usok mula sa bulkan na tinangay pa-northeast. Huling naitala ang sulfur dioxide emission sa 163 tonelada noong Hunyo 9.

Patuloy ding namamaga ang edifice ng bulkan, senyales ng nagpapatuloy na abnormal na aktibidad.

Nanatiling nasa Alert Level 1 ang Bulusan, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalboroto. Pinag-iingat ang publiko laban sa pagpasok sa 4-kilometrong permanent danger zone at sa extended danger zone kung walang sapat na pag-iingat, dahil posible pa rin ang biglaang steam-driven o phreatic eruptions.

Ang huling phreatic eruptions ay naitala noong Abril 28 at 29.