Binigyang diin ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi problema ang pera sa laban ng bansa ngayon kontra pagkalat ng COVID-19.
Sa pagdinig ng House committee on health, iginiit ni Duque na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa mga hakbang upang masawata ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Ang problema, ayon kay Duque ay ang nararanasang shortage sa supply ng mga personal protective equipment, testing kits at iba pang medical equipment sa buong mundo.
Pero patuloy naman aniya ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa World Health Organization para matugunan ang 2,000 test supply requirements kada linggo.
Gayunman, sa ngayon iginiit ng kalihim na sapat pa naman aniya ang kanilang kinakailangan na testing kits.
Una nang inaprubahan naman ng House Appropriations Committee ang P1.65 billion na supplemental budget para sa matugunan ang problema sa COVID-19.