-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Gregorio Catapang Jr. ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y hindi makatao at nakakatraumang pagpapahubad sa mga dalaw ng mga preso sa New Bilibid Prison (NBP) noong Abril.

Ito ay matapos na inireklamo ng mga asawa ng mga political prisoners sa Commission on Human Rights ang kanilang naranasan sa kanilang pagdalaw sa national penitentiary kung saan pinatanggal umano sa mga kababaihan ang lahat ng kanilang damit kabilang ang kanilang underwear bago mag-squat pa ng ilang beses habang nakabalandra ang pribadong parte ng kanilang katawan.

Sinabi naman ni Catapang na kaniyang iimbestigahan ang naturang insidente upang malinaw ang protocol ng BuCor para sa padalaw sa mga Persons Deprived of Liberty (pdls).

Ipinaliwanag din ng BuCor sa isang statement na striktong ipinapatupad ang strip search sa lahat ng piitan sa bansa kasunod na rin ng pagtaas ng bilang ng mga dumadalaw na nahuhuling nagpupuslit ng kontrabando na itinatago sa pribadong parte ng kanilang katawan.

Mula Oktubre 2023 hanggang Marso 2024, nasa 30 dalaw ng pdls ang nagtangkang magpuslit ng kontrabando sa penal facilities.

Ikinatwiran din ng BuCor chief na natugunan na sana ang nasabing isyu kung pinayagan lang sana ng Kongreso ang apela nito noong nakalipas na taon para sa karagdagang pondo para sa pagbili ng body scanner machines na nagkakahalaga ng P20 million hanggang P25 million ang isa na kayang madetect ang mga bagay kahit na nasa loob ng katawan ng isang indibdiwal para sa security screening purposes nang hindi na kailangan pang ipatanggal ang damit ng isang indibidwal.