Natagpuan ang malamig na bangkay ng 78-anyos na British national sa isang sinehan sa Pattaya, Thailand habang pinapalabas ang pelikulang “Annabelle Comes Home”.

Kinilala ang biktima na si Bernard Wilfred Channing.

Ayon sa mga nakakita, mag-isa lang umano ang matanda nang bumili ito ng ticket para manood ng nasabing pelikula ngunit nagcollapse na ito bago pa man magsimula ang palabas.

Hindi naman namalayan ng katabi ng biktima na patay na pala ito. Nalaman na lang niya umano ang nangyari nang buksan muli ang ilaw sa loob ng sinehan na hudyat nang pagtatapos ng pelikula.

Dinala ang katawan ni Channing sa Bang Lamung Hospital para i-autopsy at kasalukuyang sinusubukan ng British embassy na tawagan ang kaniyang pamilya upang ipabatid ang malungkot na balita.