Reading Time: 1 minute

Ikinadismaya ni Education Sec. Leonor Briones ang labis umanong pagpatol ng media sa report ng Commission on Audit (COA) na kumwestyon sa 3-milyong textbooks ng kagawaran na hindi nagamit sa nakalipas na taon.

Personal na humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture si Briones nitong araw at sinagot ang mga lumutang na findings ng COA sa 2018 report nito.

Dinepensahan ng kalihim ang 3-milyong unused books dahil nagsisilbing buffer stock daw ng ito ng Department of Education (DepEd) sa oras ng kalamidad.

“This, your honor, represents 3.5 million copies of textbooks which constituted to buffer stock.”

“We have a rule, seven percent of available textbooks should be set aside as buffer stock because we don’t know what will happen.”

Kung maaalala, lumabas sa report ng COA na P113-milyon ang halaga ng mga libro at learning materials ang nananatiling naka-imbak sa DepEd warehouses.

May mga libro din umano na mali-mali ang impormasyong nakalagay.

Pero ayon kay Briones agad na nagpaliwanag ang kanyang tanggapan mula ng mabasa ang observations ng COA.

Ipinunto rin nito na “credible” o pinaniwalaan ng state auditors ang kanilang tugon sa bawat puntong nakasaad sa audit report.

“There is no observation about corruption or about any official enriching herself or himself.”

Dahil umano sa labis na pagpatol ng media sa issue, nalagay sa pangit na imahe ang kagawaran kahit pa nagpaliwanag sila sa imbestigasyon ng COA.