Naaresto na ng mga otoridad sa Marantao, Lanao del Sur, ang isang barangay kapitan dahil sa pagbebenta ng home quarantine pass.

Kinilala ang suspek na si Barangay Mantapoli Captain Cassar Abinal.

Si Abinal ay dinakip matapos makatanggap ng text complaint mula sa isang concerned citizen ang Office of Provincial Intelligence Unit ng Lanao del Sur Police Provincial Office tungkol sa umano’y iligal na pagbebenta ng home quarantine pass.

Nang puntahan ng mga pulis si Abinal sa kanyang tanggapan, tumambad sa kanila ang nakapaskil na bond paper sa pader ng barangay hall kung saan nakasulat na P20 ang halaga ng home quarantine pass.

Una nang inihayag ni Interior Sec. Eduardo Año na libre ang home quarantine pass.

Si Abinal ay dinala sa Marantao Municipal Police Station para imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso.