DAGUPAN CITY – Nag-iwan ng dalawang kataong sugatan ang aksidenteng pagkalabit ng punong barangay sa kanyang baril habang nasa isang kilalang mall sa Lungsod ng Dagupan.

Kinilala ang suspek na si Melecio Daroya Sapiera, 45-anyos, kapitan ng Barangay Banaoang sa bayan ng Calasiao.

Sa isinagawang imbestigasyon, magbabayad na sana ng bill sa foodcourt ang suspek nang maganap ang insidente.

Aksidente umano kasi nitong nakalabit ang dala niyang baril at tinamaan ang dalawang biktima ng ligaw na bala sa kanang leeg.

Itinakbo ang mga biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Calasiao Police Station ang suspek at ang baril na ginamit sa insidente.