KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang isang high value target na third-termer barangay councilor matapos na maaresto sa joint operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 12 pulisya mula South Cotabato at Sultan Kudarat.

Nakilala ang suspek na si Michael Recopelacion Tamles alyas Mike, 35, residente ng Purok 2, Brgy. Sucob, Columbio, Sultan Kudarat.

Ayon kay PDEA-12 Director Naravy Duquiatan, ang nahuling opisyal ay itinuturing na No. 10 priority sa target list sa probinsiya ng Sultan Kudarat.

Napag-alaman na isinagawa ang operasyon sa pagsilbi ng search warrant ng PDEA Region 12, Sultan Kudarat Provincial Office, South Cotabato Provincial Office, Columbio Municipal Police Station, Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit, Regional Mobile Force Battalion at Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit.

Nakumpiska sa posisyon ng suspek ang limang sachets ng shabu na nasa isang gramo at nagkakahalaga ng P6,800.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 11, Article 2 ng Republic Act 9165 laban sa suspek.