-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kasunod sa mabilis na pagsirit ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID) sa Boracay, isinailalim ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, sa enhanced community quarantine o ECQ ang buong Barangay Balabag.

Habang ang zone 1 at 7 sa Barangay Manoc-Manoc ay nasa “surgical lockdown” na magtatagal sa loob ng 14 na araw.

Batay sa kalatas na ipinalabas ng Malay-local government unit, nakasaad sa Executive Order No. 13 series of 2021 na nilagdaan ni Mayor Frolibar Bautista, ang mga bagong quarantine classifications ay magiging epektibo alas-12:00 ng tanghali ngayong April 1, hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ng April 14, 2021.

Nabatid na sa Barangay Balabag ang may pinakamaraming nakatayong hotels and resorts na maaaring matuluyan ng mga turista habang nagbabakasyon sa isla.

Sa pinakaulhing datos mula sa Malay Inter Agency Task Force, ang nabanggit na barangay ay may kabuuang 135 na kaso ng deadly virus.

Sa nasabing bilang, 58 ang nakarekober; 76 pa ang aktibong kaso, habang isa naman ang namatay dahil sa nakakahawang sakit.

Samantala, tiniyak ni P/Maj. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay-Philippine National Police, na mahigpit silang nagbabantay sa lugar upang malimitahan ang galaw ng mga tao lalo na ng mga turista na kasalukuyang nananatili sa kanilang inookupang accommodation establishment.