Nakapagtala ng bagong record high na 2,434 na mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) ngayong araw, June 5. Dahil dito, sumipa na sa 44,254 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa buong bansa.
Mula sa nasabing bilang ng mga bagong kaso, 1,147 ang “fresh cases,” o mga confirmed cases na lumabas ang resulta at na-validate sa loob ng nakalipas na tatlong araw.
Binubuo ito ng 440 cases sa National Capital Region, 366 sa iba’t-ibang rehiyon, 364 sa Region 7 at pito mula sa mga repatriates.
Ang “late cases” naman, o mga confirmed cases na lumabas ang resulta sa loob ng nakalipas ng apat na araw, pero ngayon lang na-validate ay nasa 1,287.
Sa ilalim nito, 629 ang galing sa NCR, 238 sa Central Visayas, at 420 ang galing sa iba’t-ibang rehiyon.
Samantala ang bilang naman ng mga gumaling ay nakapagtala rin ng record high sa 489 recoveries, kaya ang total nito ay nasa 11,942. Pito ang nadagdag sa mga namatay, na may total na 1,297.
Ayon sa DOH, anim mula sa pitong bagong death cases ang namatay noong nakaraang buwan.
May sampung duplicate naman na tinanggal sa total case count.
“As the country continues to ease community quarantine measures, the rise in the number of cases today may be attributed to the increased contact among the population.”
Binigyang diin ng Health department ang paalala sa publiko na sundin ang minimum health standard protocols tulad ng wastong paghuhugas ng kamay, physical distancing, pagsusuot ng face mask, at pag-iwas sa mga non-essential o hindi importanteng lakad.
Nanawagan din ang ahensya sa mga establisyement na agad mag-report kung makapagtatala ng clustering o higit sa dalawang kaso ng sakit sa kani-kanilang mga pasilidad.