astrazeneca

Bubusisiin pa raw ng pharmaceutical company na AstraZeneca ang mga dokumento na ipinadala sa kanila ng Brazil.

Ito’y makaraang ianunsyo ng Brazilian government ang kasunduan nito sa pagitan ng Oxford University at AstraZeneca na makakuha ng 100 million doses ng gamot na posibleng maging lunas sa coronavirus disease.

Ayon kay AstraZeneca director Jorge Mazzei, naniniwala umano ito na sa oras na maging tagumpay ang kanilang dinedevelop na COVID-19 vaccine ay unang bibigyan ang naturang hard-hit South American nation bago matapos ang taong 2020.

“It is nearly impossible that this contract is not signed. It took two to three weeks for the letter of intent to be signed. Our goal is that this contract is signed as quickly as possible,” saad ni Mazzei.

Sa ngayon daw kasi ay nakikipag-ugnayan pa ito sa kanilang local partner na Fiocruz at sisimulan pa lamang ang kontrata para sa nasabing kasunduan sa susunod na linggo.

Una nang sinabi ng health ministry ng Brazil na nakahandang magbayad ang bansa ng $127 million (P6 billion) para sa produksyon ng initial 30.4 million doses na maaaring ilabas sa Disyembre 2020 at Enero 2021.

Sa ngayon ay pumalo na ng mahigit 1,370,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Brazil habang 58,385 katao naman ang nasawi.