Tumanggi munang magsalita si Brazilian coach Tite ukol sa paratang na rape kontra kay soccer star Neymar.

Una rito, batay sa isang police report, inakusahan ng isang babae si Neymar na ginahasa raw siya nito sa isang hotel sa Paris noong nakaraang buwan.

Ayon kay Tite, bahala na raw ang mga imbestigador sa kaso at hihintayin na lamang daw nito ang resulta ng pagsisiyasat sa takdang panahon.

“I do not want to pre-judge, and I prefer to leave the matter to responsible people,” wika ni Tite sa isang news conference. “We do not yet have the facts clarified and time will give those answers.”

Ang mga komento ni Tite ang una ring pagkakataon na may nagsalitang taga-football federation ng Brazil tungkol sa isyu.

Naglabas na rin ng pahayag ang public security ministry ng Sao Paulo state na kumukumpirma sa naturang paratang, ngunit hindi na ito nagbigay ng karagdagan pang detalye.

Matapos lumutang ang akusasyon, agad naglabas ng video si Neymar sa social media kung saan mariin nitong itinanggi ang mga akusasyon.

Giit nito, biktima lamang daw siya ng paninikil at ikinalulungkot nito ang hindi magandang dulot ng isyu sa kanyang pamilya.