KALIBO, Aklan – Handa na ang isla ng Boracay na muling tumanggap ng mga dayuhang turista mula sa “green” countries simula sa Disyembre 1.
Ayon kay Aklan Governor Florencio Miraflores, mahigpit na ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang mga patakaran na nakapaloob sa ipinalabas na resolusyon ng National Inter-Agency Task Force.
Kinakailangang ang mga banyagang biyahero ay fully vaccinated at makasumite ng negatibong RT-PCR test result, 72 oras bago ang kanilang biyahe.
Inaasahan na umano ang pagbuhos ng mga turista mula sa target market ng Boracay kagaya ng mainland China, Taiwan, Japan, Indonesia, Hong Kong, India, United Arab Emirates at iba pa .
Dagdag pa ni Miraflores na mula Kalibo International Airport, sasakay ang mga turista ng chartered buses at pagdating sa Caticlan jetty port, magkakaroon ng hiwalay na daanan ang mga domestic at foreign tourists sa mga pumapasok na reidente at manggagawa.
Kasama pa sa napag-usapan sa pulong ng mga tourism officials ang pagpapalakas ng technical working group upang masigurong mabantayan ng maayos ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols sa isla lalo na ang social distancing.
Obligado rin ang lahat ng mga accomodation establishments na magtalaga ng health and safety officer na magpapaalala sa mga turista sa mga dapat gawin.
Mahigit sa 100 percent nang bakunado ang mga tourism workers habang ang mga eligible residents ay nasa 103.14 percent rin.
Inaasahang muling lalakas ang aviation industry at maraming iba pang negosyong may kinalaman sa turismo matapos na pinayagan na ang global travel sa ilang piling bansa na may mababang kaso ng nakamamatay na virus.