Halos 1,500 pasyente ang nabigyan ng tulong sa medical, dental at optical mission ng Bombo Medico 2019 sa Universidad de Manila.
Hanggang kaninang alas-12:00 ng tanghali, nasa halos 1,000 ang nabigyan ng tulong medikal, habang nasa higit 400 naman ang sa dental.
Samantala halos 200 naman ang para sa iba pang serbisyo gaya ng libreng gupit, masahe, gamot at iba pa.
Kaugnay nito may P1.6-milyong halaga ng gamot din na ipinamahagi.
Ito ay mula sa P22-milyong halaga ng gamot na ipinapamahagi rin sa 24 key cities nationwide na may Bombo Radyo at Star FM.
Sa ngayon patuloy ang pagpasok ng mga magpapakonsulta sa ating medical, dental at optical check up.
Ilang success stories naman ang pumukaw sa atensyon ng Bombo Radyo at Star FM nitong umaga.
Labis ang pasasalamat ng nagkonsulta dahil bukod sa serbisyo na libreng medical consultation ay may ding nakatanggap ng wheelchair, tungkod at reading glass.
Isa na nga riyan si Mang Arturo, 60 anyos na bumiyahe pa mula Isabela province.
Ayon sa kapatid nito na si Salvacion, 50 taon ng hindi nakakalakad si Mang Arturo matapos mabaldado ang kanyang dalawang binti at ito raw ang kauna-unahang pagkakataon na siya’y nagkaroon ng wheelchair.
Kaya ganon na rin ang kanyang labis na pasasalamat sa Bombo Radyo, Star FM at sponsors ng programa.
Hindi rin maipinta ni Aling Wilma ang kagalakan matapos nakatanggap ng tungkod, reading glass at mga gamot.
Habang si Aling Gloria, hindi na raw nahihirapang maglakad dahil sa mga gamot at tungkod din na natanggap mula sa Bombo Medico 2019.