-- Advertisements --

Posibleng mapaaga ang pagpayag sa mga jeepneys at UV Express units na makabalik sa kanilang biyahe bago ang pagtatapos ng Phase 1 ng resumption ng public transportation sa darating na Hunyo 21.

Ayon kay Transportation Asec. Mark De Leon, bagama’t kinukonsidera bilang “high-risk” public utility vehicles (PUVs) ang mga jeep at UV Express, maari aiyang payagan nilang makabalik sa kanilang operasyon ng mas maaga sakaling hindi sapat ang bilang ng mga PUVs na unang papayagang makabiyahe mula Hunyo 1 hanggang 21.

“Kung hindi sufficient ang bus na ‘yan, ang next na titignan natin ay ‘yung mga modern jeepneys. Kapag hindi pa rin available ‘yang mga modern jeepneys na ‘yan, saka na lang tayo titingin kung may available na UV Express at lumang jeepneys,” saad ni De Leon sa isang panayam.

Nauna nang inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na magkakaroon ng dalawang phase para sa resumption ng public transportation sa Metro Manila kasabay nang transition nito patungong general community quarantine.

Sa ilalim ng Phase 1, na magsisimula bukas hanggang 21, papayagan nang makapag-operate ulit pero sa limitadong passenger capacity ang mga trains at bus augmentation, taxis, TNVS, shuttle services, point-to-point buses, at bisikleta.

-- Advertisement --

Papayagan na ring makabiyahe na ulit an mga tricycles, pero subject ito sa approval ng mga local government units.

Bawal namang makapasok sa Metro Manila mula Hunyo 1 hanggang 21 ang mga provincial buses.

Sa Phase 2, na magsisimula ng Hunyo 22 hanggang 30, maari na ring makapag-operate
public utility buses, modern PUVs o jeepneys, at UV Express pero sa limitado ring passenger capacity.