Reading Time: 1 minute

WASHINGTON – Dinakip ng mga otoridad ang billionaire at registered sex offender na si Jeffrey Epstein dahil sa kinakaharap nito na panibagong sex trafficking charges sa New York area.

Batay sa ulat, inaresto si Epstein nitong Sabado (Sunday, Manila time) sa isang airport sa New Jersey matapos dumating mula Paris sakay sa kanyang private jet.

Ayon sa isang source, sinampahan ng isang bilang ng kasong sex trafficking at isang bilang ng kasong conspiracy to commit sex trafficking si Epstein.

Matagal nang inaakusahan si Epstein na binabayaran umano ang ilang mga kabataang babae para sa sexual massage sa kanyang mansyon sa Palm Beach, Florida.

Natuklasan sa isang police investigation na nakipagtalik daw ang 66-anyos na si Epstein sa mga menor de edad na babae kung saan ang pinakabata raw ay 13-anyos.

Sa ngayon ay wala pang tugon ang kampo ni Epstein hinggil sa isyu. (AFP/ BBC)