BAGUIO CITY – Nabawasan na ang bilang ng mga persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs) sa lalawigan ng Abra.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Abra, mayroon na lamang 26 na PUI sa lalawigan at kabilang dito ang tatlong naidagdag sa listahan pagkatapos magkaroon ang mga ito ng close contact sa isang naunang PUI doon.

Gayunpaman, mayroong apat na dati ng PUI ang nakapagtapos sa 14 araw na quarantine.

Samantala, bumaba sa 751 ang bilang ng mga PUMs sa Abra kahit nadagdagan ng 56 ang bilang ng mga ito.

Nabawasan ang bilang ng mga PUMs dahil nakapagtapos na sa 14 araw na quarantine ang 721 na PUMs doon.

Kahit bumaba ang bilang ng mga PUIs at PUMs ay iginigiit pa rin ng lokal na pamahalaan na kailangang manatiling maingat ang mga residente at sundin ang mga kinakailangang hakbang para maiwasan ang coronavirus disease.

Sa ngayon ay nakapagtala na ang Abra ng dalawang kaso ng COVID 19.