Pumalo na sa pito katao ang naitalang nasawi, dalawa ang nasugatan habang dalawa pa ang nawawala sa pagyanig ng magnitude 6.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Edgar Posadas, kabilang sa mga nasawi ay isa sa Jose Abad Santos, Davao Occidental; isa sa Malapatan, Sarangani; dalawa sa Glan, Sarangani at tatlo mula sa General Santos City. Gayunman, sinabi ni Posadas na patuloy silang nagsasagawa ng pag-validate sa bilang ng mga nasawing biktima.
Sabi ng Office of Civil Defense region 12, maaring umakyat pa sa 10 ang bilang ng nasawi dahil mayroon pang tatlo na naiulat na nasawi pero sumasailalim pa sa berpikasyon.
Karamihan umano sa mga nasawi ay natabunan at nabagsakan ng mga gumuhong gusali at iba pang istraktura.
Nasa 450 indibidwal naman ang nangangailangan ng atensiyong medikal.
Nagpapatuloy naman ang ang pagtugon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.