Sa unang araw pa lamang ng voter registration period para sa May 2025 national at local polls, halos 90,000 indibidwal na ang naghain ng kanilang aplikasyon sa Commission on Elections.
Batay sa datos na inilabas ng poll body, mayroong 88,999 na indibidwal ang nag-apply sa unang araw ng voter registration period nitong Lunes.
Ang Calabarzon ang may pinakamataas na bilang ng mga nagparehistro na may 14,754.
Sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 10,623; at Central Luzon na may 10,143.
Mayroon ding mataas na bilang ng mga aplikante ang Central Visayas na may 7,890; at Ilocos Region na may 6,708.
Sa kabilang banda, ang pinakamababang bilang ng mga aplikante ay ang Cordillera Administrative Region na may 1,172; Mimaropa na may 1,508; at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may 1,784.
Sinabi ng Comelec na mayroon ding 412 na aplikante para sa voter registration sa main office ng poll body sa Intramuros, Manila, kung saan naka-set-up ang Register Anywhere Program (RAP) booth.
Inaasahan ng Comelec na humigit-kumulang tatlong milyon ang mag-aaplay para maging rehistradong botante sa loob ng pitong buwang voter registration period.
Ang panahon ng pagpaparehistro ng botante para sa 2025 na botohan ay nakatakdang tumakbo hanggang Setyembre 30, 2024.