-- Advertisements --

Kasabay nang mga natanggap na papuri ng Singapore dahil sa naging hakbang nito para labanan ang pagkalat ng coronavirus sa bansa ay matinding problema naman ang kinakaharap ng mga migrant workers.

Ito’y matapos makakita ng biglang pagtaas ng infection rate sa naturang bansa dahil sa mga industrial worksites at worker dormitories.

Nadagdagan ngayong araw ng 728 na bagong kaso ng COVID-19 sa Singapore dahilan para umakyat ang kabuuang bilang nito ng 4,427.

Halos 90% ng mga nagpositibo ay mula umano sa mga migrant workers.

Inaasahan na posible pang tumaas ang bilang nito sa mga susunod na araw dahil mas marami pang manggagawa nang isasailalim sa coronavirus testing.

Tinatayang aabot sa 300,000 low-wage workers sa South Asia ang nagtatrabaho sa Singapore bilang construction worker at maintenance. Karamihan kasi sa mga ito ay naninirahan sa mga dormitoryo na kanilang pinagtulungan buuin.