Reading Time: 1 minute

Binalaan na ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko hinggil sa mas malalang daloy ng mga sasakyan sa EDSA at sa ibang kalsada sa Metro Manila sa pagsapit ng holiday season.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, dapat nang asahan ang mas mabigat na trapiko sa mga kalsada sa holiday season dahil base sa kanilang datos, ngayon pa lang na regular days ay aabot na sa 19.30/kph ang bilis ng travel time sa EDSA.

Ganito raw ang bigat ng daloy ng trapiko noong mga nakaraang taon lalo na tuwing panahon ng Kapaskuhan.

Punto ng tagapagsalita, ilan sa mga sanhi nito ay ang mga regular na problema sa kalsada gaya ng vehicular accidents na papalo sa 42 ang average kada araw, 77 na chokepoints sa kahabaan ng EDSA kabilang ang mga bus stops, intersections at mga mall gayundin ang volume o dami ng mga sasakyan na dumaraan sa nasabing highway.

Bahagi rin aniya ng problema ay ang mga under repair at ongoing construction sa iba’t ibang mga tulay at lugar sa buong metro manila.

Pero nilinaw naman ng opisyal na sa oras na masakatuparan ang mga major road projects ng pamahalaan ay tiyak ang pag gaan ng trapiko sa edsa at iba pang kalsada sa Kalakhang Maynila.